Dahil nabiyayaan na ng apat na anak, naging biru-biruan ng netizens sa Kapuso couple na sina Iya Villania at Drew Arellano na nangyari ito dahil "Walang biyahe si Drew." Alamin ang reaksiyon dito ni Iya.

Sa kaniyang pagbisita sa YouTube channel ng kaniyang "Mars" na si Camille Prats, inihayag ni Iya na hindi biro ang maging ina pero masaya siya.

Pinapalaki nina Iya at Drew ang kanilang mga anak na sina Primo, Leon, Alana at ang bunsong si Baby Astro.

"Napakasaya mars. Before I wanted five. Tapos after Primo, sabi ko, 'Siguro okay na ako sa dalawa.' Kasi mahirap siya, 'di ba Mars?" sabi ng Chika Minute anchor.

Nilinaw din ni Iya na may mga pagkakataong nahirapan siyang magbuntis, taliwas sa iniisip ng ilan.

"And then eventually, I got pregnant with Leon. I don't know if people notice, 'cause people think na ang bilis ko lang mabuntis. With Leon, [nahirapan akong magbuntis], because I actually wanted to get pregnant six months old pa lang si Primo. Hindi ako mabuntis buntis mars," lahat niya.

"Just so you know, it wasn't always easy for me," dagdag ni Iya.

"Anyway, I got pregnant with Leon, I was thinking 'Ah okay na siguro itong dalawa. And then I got pregnant again," natatawang niyang sabi.

Panahon naman ng pandemic nang isilang ni Iya ang ikatlo nilang anak na si Alana. Inihayag niyang hindi niya alam ang kasarian ng kaniyang anak hanggang sa ipanganak niya ito.

"It was such a wonderful surprise," sabi niya.

Inakala raw noon ni Iya na hindi na nila susundan si Alana, pero sadyang nawiwili sila ni Drew sa mga bata.

"Alam mo, having kids, it's like a trap, kasi you want more. Just when you think you're done, you end up wanting more. And I look forward to even the challenging times na kunwari, it's just me and walang added help. I feel like it's such a good opportunity to watch them cooperate. And for you guys to also work together as a team. So I love all those moments," kuwento niya.

"As we were watching the three of them grow up together, parang sabi namin, 'Parang gusto pa natin ng isa pa. Sige nga.' That's why we had Astro," dagdag ni Iya.

Dahil dito, natanong ni Camille si Iya tungkol sa biro ng netizens na, "walang biyahe si Drew."

"Nakakatawa! Thanks guys ah! Grabe kayo sa amin. Nananahimik lang kami sa bahay," biro ni Iya.

"Eh kasi naman, literal 'yung pandemic daw minaximize niyo as a family and as a couple," komento ni Camille.

"Sabi nga ni Drew, naging fun-demic," pagbabahagi ni Iya.

Isinilang ni Iya si Primo noong Agosto 2016, na sinundan ni Leon noong Agosto 2018. Ipinanganak ni Iya si Alana noong Hulyo 2020 at si Baby Astro nitong nakaraang Hunyo. --FRJ, GMA News