Kinumpirma ni Bella Poarch na hiwalay na siya sa kaniyang asawa ng halos apat na taon na si Tyler Poarch. Ang Tiktok influencer, mananahimik muna sa social media.

Ayon sa ulat ng TMZ, nakakuha ito ng mga legal document na inihain ni Bella sa Los Angeles County dahil sa "irreconcilable differences" nila umano ni Tyler.

Dagdag pa ng American website, wala pang anak sina Bella at Tyler, ngunit ayaw ng Filipino-American singer na pinansyal silang magsuportahan ni Tyler.

Ikinagulat ng fans ang anunsyong may asawa na si Bella. Ikinasal sina Bella at Tyler noong Enero 2019, ayon sa ulat ng TMZ. 

Humingi naman ng privacy si Bella at sinabing magsasalita siya kapag handa na siyang pag-usapan ito.

"I'm sorry if everyone thinks I've been keeping it a secret. I will address my divorce when I am ready to speak about it. In the meantime please respect mine and Tyler's privacy," saad niya.

Mananahimik din muna siya sa social media, at sinabing ang team muna niya ang mangangasiwa sa kaniyang mga account.

Ilan sa mga sikat na kanta ni Bella ang "Living Hell," "Dolls," "Inferno," at "Build a B*tch." — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News