Pumanaw na sa edad na 89 ang tinaguriang Queen of Kundiman na si Sylvia La Torre Perez de Tagle.
Sa isang pahayag na inilabas ng pamilya, sinabing "she died peacefully in her sleep" nitong gabi ng December 1.
“At the time of her death, she was with her husband of 68 years and her children, Artie, Bernie and Che-Che,” ayon pa sa pahayag.
Inilarawan ng pamilya si Sylvia na “devoted wife of Dr. Celso Perez de Tagle, loving mother, grandmother and great-grandmother, caring auntie, and affectionate friend.”
Isinilang noong June 4, 1933, kinikilala rin si Sylvia na "First Lady of Philippine Television." Kabilang sa mga proyektong nagawa niya sa telebisyon ang “The Big Show,” “OK Sha,” at “Biglang Sibol, Bayang Impasibol."
Kabilang naman sa mga pelikulang ginawa niya ang “Ulila ng Bataan,” “Buhay Pilipino,” “Nukso Nang Nukso,” at “Tang-Tarang-Tang.”
Kinikilala rin si Sylvia sa kaniyang musika, at tinaguriang Queen of Kundiman.
Siya ang tinig sa likod ng mga klasikong awiting “Maalala Mo Kaya,” “Sa Kabukiran,” “Paskong Anong Saya,” “Waray Waray,” at marami pang iba.
Tumanggap si Sylvia ng Tandang Sora Award, na ibinibigay sa kababaihang taglay ang mga katangian ng isang bayani katulad ng katapangan, pagmamahal sa bayan at kabutian.—FRJ, GMA Integrated News

