Gaganap si Sanya Lopez bilang ang maalamat na si Princess Urduja sa isang upcoming na action-packed Kapuso series.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras, sinabi ni Sanya na magandang pressure ang kaniyang nararamdaman sa paghahanda para sa series.

Bukod sa pagsasanay sa paggamit ng arnis at fight scenes, sasabak din sa language at speech training si Sanya.

"Nakakakaba 'yung part na 'yon kasi siyempre marami ang may alam sa iba't ibang lenggwahe, marami ang may chance na makanood nitong Urduja, kaya dapat talaga nating tutukan din 'yung mga bagay na 'yan," sabi ni Sanya.

Hinahanda na rin ni Sanya ang sarili sa mga eksenang kailangang mangabayo.

"Hindi lang pagkakabayo ang mangyayari. Siyempre andoon ang laban, andoon ang may mga hawak pa kaming iba. Kailangan namin ng time talaga na kasama namin 'yung kabayong gagamitin namin sa mga eksena," dagdag ni Sanya.

Ipinakilala na rin nina Kylie Padilla at Gabbi Garcia, mga kapwa Sang'gre ni Sanya sa Encantadia noong 2016, ang kanilang magiging role.

Gaganap bilang ang pulis na si Gemma si Kylie, na mas handa nang sumabak sa PNP at tactical trainings.

Alahera naman ang role ni Gabbi na si Crystal.

"We are all for women empowerment. Hindi lang siya mag-e-evolve around action, around adventure, meron din siyang family drama na kailangan nilang abangan," sabi ni Gabbi.

Huling nagsama-sama sina Kylie, Sanya at Gabbi sa hit fantaserye na Encantadia.

"I'm pretty sure malaking tulong ito para sa isang successful na show dahil lahat kami bonded. To be working with my Enca sisters finally again! To be able to see them grow individually and to work again all together, parang different flavor naman siya for us," sabi ni Gabbi.

Makakasama nila sa mega-serye sina Jeric Gonzales, Rochelle Pangilinan, Arra San Agustin, Michelle Dy, Kristoffer Martin at Zoren Legaspi. —LBG, GMA Integrated News