Mabusisi at may attention to detail ang aasahan ng mga manonood sa inaabangang live action adaptation na "Voltes V: Legacy." Ang isa sa cast na si Gabby Eigenmann, nagpataas pa ng timbang para magaya ang katawan ni Commander Robinson.

Sa Chika Minute report ni nelson Canlas sa 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabing sinunod ng production ang pagiging madetalye sa paggawa ng sikat na hit anime series.

Para maging kagaya ang bagong bersiyon ng Voltes V, tiniyak nilang tapat sa napanood na cartoons sa telebisyon ng bawat aspeto ng set design at costume.

Kaya naman malalapit din ang mga gumaganap sa Voltes V: Legacy na sina Miguel Tanfelix, Radson Flores, Matt Lozano, at Raphael Landicho at Ysabel Ortega sa kanilang anime counterparts.

"Nasanay kami masyado sa green screen, blue screen. Hindi ko ine-expect na talagang 'yung attention to detail talaga niya, sobrang malala," sabi ni Matt.

Kinailangan ni Gabby, na gaganap bilang si Commander Robinson, na magpataas ng timbang para maging angkop ang kaniyang body size sa role.

"I have to explain it every time, I really look big there. Yes, pinagtrabahuhan ko 'yan eh. For real! He's a big guy. And I'm having a hard time losing it," sabi ni Gabby.

Malaking hamon naman para kay Rafael ang kaniyang pagganap bilang si Little John, dahil dumaan siya sa panahong bawal lumabas ang mga bata noong pandemya at higit isang taon siyang hindi nakapag-shoot ng mga eksena.

Pero kinakabahan ngayon ang produksyon sa kaniyang growth spurt.

"Ta-try ko po hindi pa lumaki para sa [role]," biro ni Raphael. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News