Inihayag ni Rodjun Cruz na boto siya na makatuluyan ng nakababata niyang kapatid na si Rayver ang Kapuso singer-actress si Julie Anne San Jose.
Sa video ng Kapuso Showbiz News, mabilis na "Oo," ang naging sagot ni Rodjun nang tanungin kung boto siya kay Julie Anne na kilalang malapit kay Rayver.
Kuwento ni Rodjun, nakasama na rin niya noon si Julie Anne sa GMA, at para umano itong si Rayver na maraming kayang gawin pero nananatiling mapagkumbaba.
"Praying ako," sabi ni Rodjun sa tanong kung payag siyang magkatuluyan ang dalawa. "Kasi si Rayver sobrang buting bata, and si Julie sobrang buti rin."
Patuloy pa niya, "Baka si Lord talaga ang naglaan para sa kanilang dalawa. Sila talaga ang nakatadhana sa bawat isa."
Gayunman, ang kapatid naman daw niya ang magdedesisyon kung nais na nitong lumagay sa tahimik.
Nakikita raw niya sa ngayon na sobrang bless sa trabaho ang kaniyang kapatid at maganda ang nangyayari sa career ng dalawa.
"Siguro in God's time 'yan [paglagay sa tahimik]. Kasi hindi ko masasabi na 'Bro...' Hindi mo mapaplano ang buhay na ito next year, na ito this year. Pinagpi-pray natin kay Lord 'yon. And siyempre nasa edad na siya [Rayver] para magdesisyon sa sarili niya," ayon kay Rodjun.--FRJ, GMA Integrated News
