Emosyonal na inihayag ni Faith Da Silva na napatawad na niya ang kaniyang amang nakakulong na si Dennis. May madamdaming din siyang mensahe para sa dating matinee idol.

“Actually medyo matagal-tagal nang napatawad ko siya. I’ve made peace with fact na ‘yung buhay na meron ako ay hindi normal. He has his own family now,” sabi ni Faith sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes.

Dating aktor si Dennis, na 20 taon nang nasa piitan.

Inamin ni Faith na ikinahiya niya noon na nasa kulungan ang kaniyang ama.

“Yeah, before, when I was younger. Magiging honest ako kasi, ito ang chance ko rin para malaman ng papa ko how I truly feel. Kasi hindi pa kami nagkikita in person, and it’s been more than 20 years of my life, and I’ve grown into a person that I am today, and I’m very grateful for him, and for my mama that I’m here,” saad ni Faith na napapanood sa Kapuso series na "Unica Hija."

“Kinahiya ko lang naman noon dahil hindi ko naiintindihan kung ano ang mga nangyayari, siyempre bata ako eh. Sino ba naman ang gugustuhin na magkuwento ka sa classmates mo na, ‘’Yung dad ko is in jail.’ Who would want to say that? No one,” dagdag ni Faith.

Maging ang kaniyang ina ay suportado rin na makita nina Faith at ng kaniyang kapatid ang kanilang ama.

“Truth is my mama has always been supportive na makita namin ng kapatid ko si papa. But I guess when I was younger, siyempre I was immature, I didn’t get kung bakit they had to separate ways, I thought na iniwan niya lang kami kasi magulo na masyado, hindi na kinaya. But palagi ko talaga siyang hinahanap before,” saad niya.

Hindi rin umano siniraan ng kaniyang ina ang kanilang ama, at lagi siya nitong pinapaalalahanan tungkol sa mensahe sa kaniya ni Dennis.

“That he really loves me, and sabi ng dad ko that I’m the most beautiful girl in the world. Every time na ‘yung confidence ko bumababa, inaalala ko lang ‘yun kasi sa mata ng papa ko ako ang pinakamaganda,” ayon kay Faith.

Sa kabila nito, hindi maiwasan ni Faith na maghanap ng kaniyang father figure.

“Palagi ako naghahanap ng pagmamahal sa labas ng pamilya ko, ng isang lalaki. Hindi ko kinailangang gawin ‘yun eh. It was just that, wala akong tatay na kinalakihan.”

Mensahe ni Faith kay Dennis: “Hi papa, if you’re watching this, I just wanna say na everything that happened in the past, wala na ‘yon sa utak ko. You know you can always start over and gusto kong ma-experience ang pagmamahal ng tatay. At alam ko sa ‘yo ko lang ‘yun makukuha," saad niya.

"Pero hindi ko mamadaliin ang lahat. Maghihintay ako because I believe in the divine timing of everything. Kapag ready ka na, kapag naging fully ready na rin ako at ‘yung pagkakataon ibigay sa atin ng Diyos, alam ko na ‘yun ang magiging life-changing moment sa buhay ko,” patuloy niya.--FRJ, GMA Integrated News