Aminado si Shaira Diaz na hindi niya inasahan na mapapasama siya bilang host ng Kapuso morning program na "Unang Hirit" dahil kakailanganin niyang gumising ng maaga.

"Hindi ko inakala. Before, nag-promo ako roon ng isang serye and then sabi ko, 'Never na talaga akong magpo-promote doon sa Unang Hirit kasi sobrang aga, hindi ko kayang gumising,'" kuwento ni Shaira sa ulat ni Lhar Santiago sa Unang Balita nitong Huwebes.

Ngayon, sobrang saya ni Shaira sa bagong trabaho niya kahit gumising pa siya ng maaga.

“I’m sobrang happy to the point na minsan naiisip ko, mag-hosting na lang kaya ako, huwag na kaya akong umarte. May mga gano’n akong thoughts. Of course hindi naman ako nagsasalita ng tapos pero as of now, sobrang happy ako sa tiwalang binigay sa akin ng Unang Hirit family,” dagdag ni Shaira.

Nabigyan ng pagkakataon si Shaira bilang Unang Hirit host na ma-experience ang winter wonderland at makipag-bonding sa kaniyang Oppa Korean superstar Song Joong-ki sa Singapore.

Game ring sumabak si Shaira sa fun challenges.

“Nae-enjoy ko siya. Mas marami nang nakakakilala, madami pong work na pumapasok dahil sa nagagawa rin ng Unang Hirit,” sabi ni Shaira.

Samantala, balik-tambalan naman sina Shaira at “Pambansang Ginoo” na si David Licauco, para sa kanilang pelikula na “Without You” na mapapanood sa Pebrero 15.

Minsan ding kinumusta ni Shaira si David sa isang mala-“Maria Clara at Ibarra” segment.

Mas mature ang mga karakter nina Shaira at David sa “Without You.”

“Dito sa movie na ito talagang nag-depend din ako kay David sa kung paano niya gagawin ‘yung isang eksena. Malaking tulong ‘yon na kapag nagta-trust ‘yung bawat isa,” sabi ni Shaira.

“For this movie I would say na na-challenge talaga kaming dalawa and we just can’t wait na makita ng mga tao ang pinaghirapan namin,” sabi ni David. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News