Dahil sa post sa Instagram ni Batangas Vice Governor Mark Leviste na bumiyahe siya sa Amerika para makasama si Kris Aquino sa Valentine’s Day na kaarawan din ng huli, may mga netizen na napaisip kung ano ang talaga ang namamagitan sa dalawa.

Kaya naman nilinaw na kaagad ni Kris na nagpapagamot sa Amerika na "best male friend" lang niya si Mark.

“May we clarify - together physically in the same place. I appreciate all your effort (through the years) but please clarify that we agreed the best foundation for any [and] all relationships is friendship,” saad ni Kris.

“I know [and] I state with 100% accuracy [that] you’re my best male friend,” dagdag niya.

Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, pinasalamatan ng King of Talk si Mark sa mga ginagawa nito para sa kaniyang kaibigan na si Kris.

“Mark, for all the things that you do, for all the things that you are to Kris Aquino today, bilang kaibigan, maraming salamat. If you make her smile, thank you. If you make her well, thank you,” sabi ni Tito Boy.

Nitong nakaraang buwan, bumisita rin ang bise gobernador kay Kris para kumustahin ang kalagayan nito habang ipinapagamot ang multiple autoimmune diseases sa Amerika. — FRJ, GMA Integrated News