Nagbabalik bilang dabarkads sa "Eat Bulaga" ang Kapuso star na si Alden Richards. Muli siyang nakasama sa segment na "Juan for All, All For Juan" noong nakaraang Sabado.

Inamin ni Alden na masaya siya sa kaniyang pagbabalik sa studio ng noontime show at makasama muli ang mga dabarkads.

"Siyempre masaya. Ang tagal ko ring hindi nagawa 'to. Nakaka-miss talaga lalo na ang dabarkads," ni Alden sa video ng EB na mapapanood sa kanilang Facebook page.

Sinabi ng aktor na nakilala sa tambalan nila ni "Yaya Dub" Maine Mendoza sa "Kalyeserye," na naging emosyonal nang makasama niyang mula ang dabarkads.

"Naiyak ako. Actually kanina medyo naiyak lang talaga ako noong pagpasok ko ng dressing room tapos niyakap ko sila," sabi ni Alden, na naging busy sa sunod-sunod na proyekto.

"Medyo matagal din akong nawala talaga. Naramdaman ko 'yung tagal ng panahon pero ngayon, I am back, Dabarkads!," masaya niyang sabi.

Nakasama ni Alden sina Jose Manalo at Wally Bayola sa bagong pakulo ng "Juan For All, All For Juan," na hindi lang bahay ang sinusugod, pati na ang mga taong nakikita sa kalye para magbigay ng biyaya.

Nangyari ang pagbabalik-Eat Bulaga ni Alden sa kabila ng mga ugong na magkakaroon umano ng pagbabago sa longest-running noontime show sa bansa.

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ng King of Talk na batay sa nakalap niyang impormasyon ay magkakaroon ng press conference sa Abril 15 at doon mabibigyan ng linaw kung ano ang mangyayari sa Eat Bulaga.--FRJ, GMA Integrated News