Go! go! go! si Rufa Mae Quinto sa pinakabagong Netflix ad na parody ng action-drama movie na "Kill Boksoon."

Sa video, suot ng Kapuso actress ang red velvet suit at pants na katulad ng costume ng karakter ni Gil Boksoon (Jeon Do Yeon), na bida sa pelikula.

Ang eksena, nasa grocery store si Rufa na biglang nainis nang malaman niyang hindi na pala naka-sale ang sangkaterbang patis na kaniyang bibilhin.

"Ay wow, now mo lang na say, go, go, go ka lang sa' pag scan," litanya ni Rufa sa kahera nang babayaran na niya ang mga produkto.

Dito na naglabas ng baril si Rufa, at mayroon din siyang samurai para harapin ang kahera na armado ng payong.

"Todo na 'to," sabi ni Rufa.

Ginaya rin ni Rufa ang ilang iconic scene sa "Kill Boksoon," gaya ng paggamit ni Gil ng takip ng Sharpie pen bilang sandata.

Ang "Kill Boksoon" ay isang action drama movie patungkol sa isang top-ranked contract killer, at single mom.

Napapanood na ngayon ang naturang pelikula sa Netflix.

Kamakailan lang, naglabas din ng ad ang Netflix na pinangunahan naman OG members ng Sex Bomb.—FRJ, GMA Integrated News