Kinailangang awatin at pakalmahin ng "Eat Bulaga" dabarkads ang isang estudyanteng "Pinoy Henyo" player na sobrang taas pa rin ng energy kahit nakuha na nila ang tamang sagot.

Sa video na mapapanood sa Facebook page ng "Eat Bulaga," makikita na ang estudyanteng si April ang magbibigay ng clue kay Jhasmine para sa pinapahulaang salita na "conditioner."

Kung makuha na ni Jhasmine ang clue na "bagay," sunod niyang tinanong kung saan ito nakikita. Nang mabanggit niya ang "CR," "panligo," at "mga shampoo?," nagsimula nang tumaas ang energy ni April sa pagsabi ng "Oo!."

Isa-isa namang binanggit ni Jhasmine ang "shampoo," "sabon," "conditioner," "shampoo," wala nang tigil sa pagsigaw si April ng "Oo!."

Dahil nabanggit ni Jhasmine ang "conditioner," ideklarang panalo na ang dalawa. Gayunpaman, gigil at wala pa ring tigil si April sa pagsigaw ng "Oo!"

Biniro muna ng mga dabarkads ang dalawa na ituloy ang pagsagot, hanggang sa pakalmahin na nila si April, na naiyak pa kinalaunan sa tuwa.

Sina April at Jhasmine din ang umusad sa jackpot round. Kayanin pa kaya ng energy ni April ang susunod na paghula lalo pa't salitan na sila ni Jhasmine sa pagsagot sa "Henyo" word? Panoorin sa video ang isa na marahil sa mga pinaka-intense na naglaro sa Pinoy Henyo.

--FRJ, GMA Integrated News