Ibinahagi ni Sharon Cuneta ang palitan nila ng mensahe ng kaniyang "bagong" anak na si Alden Richards, na nag-aalala sa kaniya dahil sa masama ang kaniyang pakiramdam.
Sa Instagram post, sinabi ng Megastar na humingi siya ng pahintulot sa aktor na i-post ang palitan nila ng mensahe dahil sa kaniyang kasiyahan sa ipinakitang pagmamalasakit sa kaniya ng aktor.
Ayon sa aktres, nagpapahinga siya ngayon matapos sumama ang kaniyang pakiramdam mula sa kanilang shooting.
“Been resting and now hoping to see my doc tomorrow,” saad niya.
Ipinakita ni Sharon ang screenshot ng mensahe sa kaniya ni Alden na nag-aalala sa kaniyang kalusugan.
“He is really so sweet and mabait," ani Sharon. "What a blessing my Alden is to me and all of us on our set!”
Magkasama sina Alden at Sharon sa pelikulang “A Mother and Son’s Story,” na posibleng ipalabas sa Disyembre.
Kasama sa pelikula sina Miles Ocampo, Tonton Gutierrez, at si Jackie Lou Blanco.
Una rito, inihayag ni Sharon na para na talaga niyang anak si Alden.
Sinabi naman ng aktor na naging mabilis ang lahat at birth certificate na lang ang kulang para pagiging tila mag-ina na sila ng batikang aktres.
Ulila sa ina si Alden noong 2008 matapos na pumanaw sa sakit ang kaniyang mommy Rosario Faulkerson. —FRJ, GMA Integrated News

