Maraming netizens ang nakakapansin sa maliit na baywang ni Jillian Ward sa tuwing nagpo-post siya ng kaniyang #OOTDs sa social media. Napapaisip tuloy marahil ang iba kung ano kaya ang sukat ng kaniyang waistline?
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, tinanong ng King of Talk sa segment na Fast Talk kung ano ang sukat ng waistline ng Kapuso Teen Queen.
“Hindi ko po alam,” natatawang sagot ni Jillian. Gayunman, sinabi ng bida ng Kapuso series na "Abot Kamay na Pangarap" na, "Nung debut ko po, [yung] ginawang gown, mga 22."
Nitong nakaraang Pebrero nang ipagdiwang ni Jillian ang kaniyang 18th birthday suot ang glamorous midnight blue ball gown na hapit sa kaniyang baywang.
Sa nakaraang GMA Gala 2023, kitang-kita pa rin ang magandang hubog ng kaniyang katawan ni Jillian sa gown na disenyo ni Mak Tumang.
Maituturing beauty and brain si Jillian na hindi rin pinapabayaan ang pag-aaral sa kabila ng kaniyang pagiging artista.
Kamakailan lang, nagtapos si Jillian ng senior high school at tumanggap ng first honor certificate.
Sa nasabing panayam din, ipinalarawan ni Tito Boy kay Jillian ang kaniyang mga co-star sa "Abot-Kamay na Pangarap," sinabi niyang "sobrang close" siya kay Jeff Moses. — FRJ, GMA Integrated News
