Aminado ang mag-asawang Chito Miranda at Neri Naig na marami muna silang naging sablay sa mga desisyon bago nila nakamit ang tagumpay sa pagnenegosyo at bilang mag-asawa. Alamin at ang kanilang sikreto sa pag-asenso at pagsasama.
Nagsimula sa mga negosyong botika, convenience store, at negosyong tuyo, ngayon, may-ari na sina Chito at Neri ng mga restaurant, bedding at sleepwear brand, salon, mga apartment, at isang rest house.
"Lahat ng nabibili po namin, pinag-iipunan talaga din namin. Like, for example, this restaurant, may gig siya. Ako, kunwari may mga endorsements. Iipunin po namin 'yan," kuwento ni Neri sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Ayon naman kay Chito, mahaba ang pinagdaanan nilang proseso, at sinabing "it wasn't like we already knew the formula."
"From our mistakes, nagiging better 'yung mga decisions namin pagdating sa investing," dagdag ni Chito. “Hanggang umabot sa point na more successes na than mistakes. We are just very smart with our money po talaga.”
Ipinunto ng mag-asawa na hindi agad dumating sa kanila ang tagumpay.“Ang daming sablay din talaga… Kapag nakakuha tayo ng pera, ang laro ay kung paano kumita ng mas maraming pera,” sabi ni Chito.
Bukod sa pagsisikap, binigyan-diin din ng lead vocalist ng Parokya ni Edgar ang kahalagahan ng “making the right decisions and having the right people to do it."
"'Yung mga taong kasama ninyo hindi dapat kayo pagandahan ng kotse,” saad niya.
May payo naman si Neri kung paano maiiwasan ang sobrang inggit.
“Lagi kong sinasabi sa mga ibang nagtatanong sa akin, ‘Tamang inggit…pag nakita ko, ‘Gusto ko niyan.’”
“Dapat gayahin mo kung paano," pagpapatuloy ni Neri. "Dine-discredit mo 'yung mga tao like ako, feeling nila dahil ako successful because of Chito. Hindi. Magkaiba pa nga po kami ng pera.”
“Natuto ako kay Chito, ‘Kung ano ‘yung pera mo, itabi mo 'yan. Kapag may sobra na, then okay, pwede na,’” sabi pa ni Neri.
Inilahad ni Chito na nakuha niya ang kaniyang kapital nang magsimula siyang kumita ng pera sa pamamagitan ng kaniyang banda.
“What I did with my money was instead of spending it, I just invested it and invested it,” pag-alala ni Chito.
Samantala, sinimulan naman ni Neri ang kaniyang negosyo sa pamamagitan ng hilig niya sa pagluluto.
“Dahil mahilig akong magluto, 'yung gourmet tuyo du’n siya nag-start. Eventually, na-invite na rin ako sa mga bazaar,” sabi ni Neri.
Habang nasa isa sa kanilang mga restaurant sa Tagaytay, ibinahagi nina Chito at Neri ang kanilang bulalo recipe kay Jessica Soho. Nagkuwento rin sila tungkol sa isa sa mga hit ng Parokya ni Edgar.
Sa kabila ng kanilang tagumpay sa food business, binigyang-diin ni Chito ang kahalagahan ng diversification. Ayon sa kaniya, bumili siya ng mga property na puwede niyang paupahan, para magkaroon siya ng passive income habang abala sa kaniyang banda.
“Huwag ninyo isusugal lahat sa isa lang,” sabi ni Chito. “Kumbaga sa sampu na 'yun, kung may mag-fail man na lima, may lima ka naman na iba, totally different.”
“Always team up with smart people. Hang out with people who know what they're doing,” payo niya.
Samantala, tinuturuan naman ni Neri ang kaniyang followers, lalo na ang mga kababaihan, kung paano sila dapat magkaroon ng sarili nilang pera.
“Just in case may mangyari, huwag naman sana, magloko si mister, at least hindi 'yung mahihirapan kang bumangon uli," sabi niya.
Sinabi ni Neri na hindi sapat ang pagiging masipag para makamit ang tagumpay.
"Kailangan may plano ka. And non-stop learning,” sabi ni Neri.
Nagpayo naman si Chito sa mga padre de pamilya na suportahan nila ang kanilang mga asawa.
"Because what she's doing is important to her and it's important for the family also," saad niya.
Hindi raw nagtatalo dahil sa pera sina Chito at Neri, kundi nagtatalo lamang sa mga simpleng bagay tulad ng pagbubukas ng electric fan o ng telebisyon.
Pagdating naman sa pagreresolba ng kanilang mga gusot, sinabi ni Chito na patuloy niyang sinusuportahan si Neri sa kabila ng “dark” circumstances.
“I think that dark part that you were talking about, I think it inspired other couples too,” sabi ni Chito. “‘Nakita mo ganito pinagdaanan nila hindi sila natinag o,’ and they saw us still continuing with our lives, being happy with each other. Hindi sumuko, tapos masaya pa rin kami.”
“Don't feel bad. When you step out, the world is not that bad. Paglabas niya, everyone was so kind sa kaniya. Siyempre sa social media platform, talagang people are mean,” ayon pa kay Chito.
Dagdag pa ni Chito na maaaring dumaan ang mga oras, at kahit pa mga taon, ngunit sa kaniyang pagbabalik-tanaw, sinabi niyang "it was a necessary detour."
"Kasi baka nga hindi kami ganito kalakas kung hindi namin napagdaanan 'yun," ani Chito.
“Pero huwag niyo gawin!” hirit naman ni Neri.
Bukod sa pagiging aktres at businesswoman, isa na ring book author si Neri.
Nakatakda niyang i-release ang kaniyang libro na pinamagatang “Wais na Misis (The Wise Homemaker).”
“The book is about wais-misis. It's about my entrepreneurial journey din. May mga practical tips for young women,” sabi niya.
Ipinagmayabang naman ni Chito na pagmamay-ari na ni Neri ang "wais na misis" na tagline.
"Kasi 'yung wais na misis, tagline 'yan ng isang brand ng laundry. So, ginamit niya. Pina-IPO niya. Sa kaniya na ngayon. Ganoon siya kawais,” proud na sabi ni Chito. “Hindi na ngayon magagamit ng brands. If they need to use it, they need to pay her.”
Sa kaniyang pagbabalik-tanaw sa kaniyang mga pinagdaanan, tunay na malayo na ang narating ni Neri.
“Saan ba ako ipinanganak? Sa papag lang -- 'yung parang linoleum lang. Lumaki ako sa hirap,” sabi niya.
“Pero may pangarap ako," pagpapatuloy ni Neri. "'Yung nanay ko, inalis kami du’n sa lugar na 'yun. Pinag-aral kami kahit hirap na hirap, kahit promissory note lagi.”
“Never focus on your disadvantages, and don’t focus on other people’s advantages. Tamang inggit. Find inspiration and use it as your guide,” dagdag naman ni Chito.
Ikinasal sina Chito at Neri noong 2014. May dalawa silang anak, na sina Miggy at Cash.-- FRJ, GMA Integrated News
