Inamin nina Maricel Laxa at Anthony Pangilinan na dumaan din sa mga pagsubok ang simula ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa at kamuntik pa silang maghiwalay.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ng mag-asawa na parang marathon ang kanilang buhay mag-asawa.

“I think pagka lumaki ka sa isang tahanan na may single parent ka, survivor ka. So when you see something not working, 'wag nating pilitin. Magkasundo na lang tayong maging magkaibigan tapos let’s move on,” paglalahad ni Maricel.

Paniwala ni Tito Boy, ang naturang pananaw ni Maricel ay dahil sa pinalaki sila ng isang "lovely single mother," na inayunan ng aktres.

Matapos na ikasal, sinabi nina Maricel at Anthony na marami pa silang natuklasan sa isa't isa, at maging sa sarili.

“Siyempre marami kaming natuklasan about each other na mga little things lang pero things that would annoy you,” ani Maricel.

Natuklasan naman ni Anthony kung papaano nag-adjust si Maricel para sa kaniya. Pero nagbago ang asawa nang ikasal na sila.

"I don’t think you did it consciously na alam mo, outgoing ako, naging outgoing din siya. May mga kaibigan ako, kinaibigan niya din lahat. Pero nung nag-asawa kami, hindi pala siya ganon,” ayon kay Anthony.

“Ayaw pala niya yung maraming kaibigan, ayaw pala niya yung lumalabas, complete change yung personality,” dagdag pa ni Anthony, na inamin naman ni Maricel.

“I think yung mindset na alam mo nang ‘this is the one’ and you wanna make it work without really thinking about it, parang I was adjusting to him," paliwanag ng aktres.

"Later on, na-realize ko, hindi pala ako 'yun, iba pala ako. Tapos nung napapansin niya na hindi ako masyadong excited lumabas or excited na maraming tao, nagtataka sya, “Bakit? Anong nagbago? Anong nangyari?” sabi pa niya.

Habang nireresolba nila ang kanilang problema, sinabi ng mag-asawa na humingi rin sila ng tulong mula sa iba para mapanatili ang kanilang pagsasama.

Kaya inihalintulad ni Anthony ang kanilang kuwento sa marathon na, “Kailangan mo ng coach, mentor, kailangan mo may pumapalakpak sa sidelines, otherwise you will quit and you make a decision."

"You make a decision when you get married di ba? Pag wedding day. Pero araw-araw pala kailangang magdesisyon ka," patuloy ni Anthony.

Mayroon nang limang anak ang mag-asawa na sina Ella, Donny, Hannah, Benj, at Solana. 

Sa darating na Disyembre, ipagdiriwang nina Maricel at Anthony ang kanilang 30th wedding anniversary. — FRJ, GMA Integrated News