Nakalabas na ng ospital si Lovely Abella makaraang operahan dahil sa pagkakaroon ng impeksyon kasunod ng kaniyang panganganak.

Bagaman masaya si Lovely na kapiling na niya ang bagong silang niyang sanggol na si Baby Liam, sinabi ng aktres na hindi pa niya mapapadede sa kaniya ang anak.

"'Di pa ako makakapag breastfeed hanggang Oct. 1 dahil matatapang po ang mga gamot ko," sabi ni  Lovely sa kaniyang post sa Instagram para magbigay update sa kaniyang kalagayan matapos na maoperahan.

Muli siyang nagpasalamat sa mga nagdo-donate ng gatas para sa kaniyang anak.

Ayon kay Lovely, pinayagan na siya ng mga duktor na sa bahay na ipagpatuloy ang kaniyang pagpapagaling.

"After [three] days pumayag ang mga doctors ko dahil nagkaka post partum depression na ata ako, dahil 'pag patay ang ilaw sa hospital naninikip ang dibdib ko at bigla akong umiiyak ng malakas," saad niya.

"Kaya natin lahat pero ang mawalay sa pamilya ang isa sa pinaka masaklap na pangyayari na minsan kailangan nating harapin," ayon kay Lovely.

 

 

Sinabi ng aktres na marami silang natutunan ng kaniyang mister na si Benj Manalo sa pagharap sa naturang pagsubok sa kanilang buhay matapos dumating ang kanilang baby.

"Pero tulad ng lagi kung sinasabi may plano si Lord sa atin kung ano man yun, hindi natin alam basta manalig at higpitan lang natin ang pagkapit natin saknya, dahil walang magulang na ipapahamak ang anak," saad niya. --FRJ, GMA Integrated News