Muling nagkasama-sama ang ilang Kapuso at Kapamilya sa ginanap na ABS-CBN Ball nitong weekend. Ang ilang Kapamilya stars, tinanong kung sino ang mga Kapuso star na nais nilang makatrabaho.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan, sinabing kabilang ang ilang GMA Network executives ang dumalo sa naturang pagtitipon ng ABS-CBN, kasama ang ilang Sparkle artists.

Sina Donny Pangilinan at Belle Mariano, sinabing nais nilang makasama sa proyekto ang Kapuso Primetime King at Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

"I'm such a huge fan of them. They're such an iconic couple," sabi ni Belle sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo.

Sina Francine Diaz at Seth Fedelin, nais makasama sa trabaho sina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi.

Samantala, si Jennylyn Mercado naman ang nais makatrabaho ni Julia Barretto, habang sinabi ng boyfriend nitong si Gerald Anderson ang pangalan ni Kylie Padilla.

"She's always been so nice and so sweet," sabi ni Julie tungkol kay Jennylyn.

Kabilang sa mga Kapuso executive na dumalo sa ABS-CBN Ball ay sina GMA Network chairman and CEO Felipe L. Gozon, GMA Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group, and President and CEO of GMA Films Atty. Annette Gozon-Valdes, at Sparkle Vice President Joy Marcelo.

Nasa pagtitipon din si Will Ashley, ng "Unbreak My Heart," na collaboration project ng GMA Network, ABS-CBN, at Viu Philippines. Gayundin din si "Eat Bulaga" host Cassy Legaspi na kasama ang date niyang si Darren Espanto.—FRJ, GMA Integrated News