Inihayag ni Kim Perez ang kaniyang paghanga sa Kapuso actress na si Kate Valdez.
 
Sa Fast Talk segment ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sinabi ni Kim na dream partner niya sa isang proyekto si Kate.

“Sa tingin ko kasi Tito Boy magkaka-jive kami. Kasi nakita ko ang personality ni Kate, gusto ko ang personality ni Kate actually. Kasi before nakilala ko na siya sa commercial,” sabi ni Kim.

Dahil dito, diretsong tinanong ni Tito Boy si Kim kung gusto niyang ligawan ang dalaga.

 “Tito Boy, mai-issue tayo diyan,” natatawang sabi ng Sparkle actor dahil sa paniwala niyang may nobyo ngayon ang aktres.

“Halimbawa lang, hypothetical, walang boyfriend si Kate. You would try?” pahabol na tanong ni Tito Boy.

 “Siyempre po Tito Boy,” diretsong sagot ni Kim.

Samantala, inilahad ni Kim ang kaniyang journey na dumaan muna sa pagsubok bago matupad ang pangarap na maging artista at makapasok sa Kapuso Network.

“Dumating kasi talaga sa point Tito Boy na ayoko na, magku-quit na ako eh,” sabi niya.

“Ilang beses na akong nag-audition sa GMA, three times, ‘yung three times na ‘yun rejected ako. So itong pang-apat, ikinagulat ko talaga na bigla akong nakukuha, kahit kay Mr. M pa, kasi si Mr. M, na-reject din ako before sa ABS twice naman,” pagpapatuloy ni Kim.

Sa hindi niya inaasahang pagkakataon, ipinagkaloob kay Kim ang kaniyang pangarap.

“Parang, nagpapagod ka na, itong last ko, before akong makuha, parang for compliance na lang eh. Sabi ko, ‘Ito na naman, nagpapagod na naman ako pero sige, go tayo. Nagulat ako na nandito na ako,” ayon kay Kim.-- FRJ, GMA Integrated News