Magkasama at all smiles sina Ysabel Ortega at Miguel Tanfelix sa latest photo nila, na kasama rin ang ama ng aktres na si Senador Lito Lapid.

Sa Instagram, ibinahagi ni Ysabel ang black-and-white filter na larawan nilang mag-ama na may white heart emoji.

Sa isa pang larawan, kasama ng mag-ama si Miguel na nanliligaw kay Ysabel.

Ikinatuwa naman ng fans nina Miguel at Ysabel na kasama nila ang senador.

“Maagang pamasko!! We're so happy that you get to spend time with your dad + him and Migs finally met,” komento ng isang netizen.

“Napakilala rin sa wakas,” sabi naman ng isa pang follower.

 

 

Si Ysabel ay anak ng actor-turned-politician na si Sen. Lapid Lito sa dating aktres na si Michelle Ortega.

Step-dad naman ni Ysabel si Police director Greg Pimentel.

Sa panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong nakaraang Abril, inihayag ni Ysabel na maayos na ang relasyon niya sa kaniyang amang senador.

Inilahad ng aktres na madalas na nagugulat ang ilang tao kapag nalaman na si Sen Lapid ang kaniyang ama.

Sa isang panayam naman sa "Updated with Nelson Canlas," sinabi ni Ysabel na hindi niya ginamit ang apelido ng ama dahil nais niyang gumawa ng sarili niyang pangalan. — FRJ, GMA Integrated News