Inilahad ni Mike Tan na nabutas noon ang kaniyang eardrum dahil sa napalakas ang sampal sa kaniya ng kaeksenang aktres.
Sa Kapuso Online Exclusive, tinanong si Mike kung sinong artista ang pinakamalakas manampal para sa kaniya.
“Maxene Magalona," sagot ni Mike sabay kuwento kung bakit.
"Si Maxene ang may pinakamalakas na sampal na ginawa sa akin na nabutas ang ear drums ko,” ayon sa aktor.
Sinabi ni Mike, na nangyari ang insidente noong magkatrabaho sila ni Maxene sa Kapuso drama series na “Faithfully” noong 2012.
Sa kabila ng insidente, hindi agad ito ipinaalam ni Mike kay Maxene.
Nalaman na lamang ni Mike na butas pala ang kaniyang eardrums nang magpasuri na siya sa eksperto.
“Hindi niya alam ‘yung nangyari. Walang nakaalam. Noong nagpa-check up lang ako, kasi parang hindi ako masyadong makarinig. Doon ko nalaman na nabutas ang eardrums ko,” kuwento ni Mike na kabilang sa Primetime Series na “Love. Die. Repeat.”
Ayon pa kay Mike, ipinaalam lang niya ang nangyari sa kaniyang eardrum nang muli silang magkasama ni Maxene sa panibagong proyekto na may eksenang sasalpalin muli siya ng aktres.
“Noong gumaling na and all, patapos na or tapos na kami sa palabas na ‘yun. Parang sa ‘Basang Sisiw’ yata saka ko sa kaniya ikinuwento na, ‘Dahan-dahan lang Max sa sampal ah. ‘Yung huling sampal ganito ‘yung nangyari.’ Saka niya lang nalaman,” pagbahagi ni Mike.
Sabi pa ni Mike, nagulat ang aktres nang malaman ang nangyari at humingi ito ng paumanhin sa kaniya.
“Nagulat. Nag-sorry. Mabait naman si Max eh,” paglilinaw ni Mike.-- FRJ, GMA Integrated News
