Tinitiyempuhan ng ilang residente sa Ilocos Norte ang paglabas ng mga salagubang sa ilalim ng puno ng Balete tuwing gabi para hulihin. Ang mga insekto raw kasi, bukod sa malinamnam, paldo pa kapag ibinenta.

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim,” ipinaliwanag ni Kuya Kim na nasa ilalim ng lupa ang mga salagubang ng halos tatlong taon kung saan ugat ng halaman ang tangi nilang kinakain.

Itinampok si Tatay Edmel Padaca, taga-Laoag, na isang certified raketero, at nanghuhuli ng mga salabugang, o abal-abal ang tawag sa kanilang lugar.

Tuwing Enero hanggang Marso, nangingisda siya sa dagat. Sa pagsapit naman ng Abril at Mayo, sa ilog naman siya nangingisda. Tuwing Hulyo at Agosto naman, nasa bukirin siya para magtanim.

Gulay naman ang itinatanim ni Edmel tuwing "ber" months.

Pero pagsapit ng Hunyo, sa kadiliman siya kumakapit dahil doon magsisilabasan ang mga salagubang.

Kadalasang kulay ng salagubang ang reddish brown o dark brown, papunta sa kulay itim. Hunyo ang talagang kanilang mating at feeding season kaya sa panahong ito lang sila makikita.

Nabubuhay ang mga salagubang ng isang linggo lamang.

“Four life stages. Egg, larva, pupa, and adult. And then, pagka nakapag-reproduce na sila, in a matter of time, mamamatay na rin sila,” sabi ni Ahlmar Cervantes, isang entomologist.

Sa Pilipinas, senyales na lalabas ang abal-abal kapag bumuhos ang ulan sa buwan ng Hunyo.

Nababasa at lumalambot ang nanuyong lupa, kaya madali rin ang pangingitlog at pag-ahon nila mula sa ilalim ng lupa.

Si Tatay Edmel, inakyat at pinagpag na ang isang puno ng balete para gisingin ang mga salagubang o abal-abal.

Kapag nahulog na ang mga abal-abal, hudyat ito na buksan ang ilaw.

Ang mga nocturnal insect gaya ng salagubang o June Beetle, nakakapag-navigate sa liwanag ng buwan at mga bituin. Kaya kapag may artificial light gaya ng dalan na Edmel, naa-attracted at disoriented ang mga abal-abal hanggang sa ma-trap na sila sa liwanag.

Saka ibinibenta ni Edmel sa Isabela, Cagayan, Baguio at kung minsan, umaabot pa sa Amerika ang mga nahuling abal-abal.

Dalawang piso ang bentahan ng salagubang kada piraso. Sa isang linggong raket ni Edmel kada taon, pumapaldo siya ng P10,000.

“Malaking tulong sa pamilya ko ang kinikita ko salagubang dagdag sa gastusin,” sabi ni Edmel.

Tunghayan sa Dami Mong Alam, Kuya Kim ang pagsaahog ng salabugang sa classic Ilocano dish na Balatong o bersiyon nila ng ginisang munggo.—Jamil Santos/LDF GMA News