Masayang binalikan ng Kapuso actress na si Bianca Umali ang panahon na "napaikot" siya ng lalaki na itinuring niyang boyfriend.

Sa YouTube series ni Luis Manzano na "Luis Listens," naalala ng aktor ang dating naikuwento ni Bianca nang nagkasama sila sa "It's Your Lucky Day," tungkol sa lalaking nang-"ghost" sa aktres.

Ghosting ang tawag kapag bigla na lang nawala o hindi nagparamdam ang karelasyon.

"Akala mo dati that there was something going on, tapos bigla na lang you found out na wala pala, laglag pala," sabi ni Luis kay Bianca.

Natatawang sambit naman ni Bianca, "Ako lang ang nakakaalam na meron pala kaming something."

Ayon kay Bianca, itinuring niyang boyfriend ang lalaki at hindi lang basta crush.

"Hindi lang crush kasi sa 'kin, boyfriend ko siya eh," saad ng aktres. "Napaikot ako eh. Like may days na, 'Oh, alam pala niya na kami.' Pero most of the time, 'Kami ba?'"

Ayon pa kay Bianca, hindi naman siya sinabihan ng "I love you" ng lalaki pero inakala niyang nagkakaunawaan na sila nito.

"He never said I love you, pero para kasi sa 'kin no'n, wala pa rin akong alam no'n eh. Like kung ano bang feeling ng gusto ka ng tao, na mahal ka ng tao. So, para sa 'kin, the fact nireply-an ako, 'yun na 'yon," natatawang kuwento ng aktres.

Nang tanungin kung papaano niya nalaman na hindi pa sila ng lalaki, sabi ni Bianca, "Actually, hindi pa nga niya binagsak. Tinanggap ko na lang kasi hindi na niya ako nireply-an. Hindi na niya ako nireply-an, so parang 'Sige, OK lang.'"

"Pero grabe, heartbroken ako nang bonggang-bongga nun," patuloy niya.

Ngayon, masaya at nananatiling matibay ang relasyon nina Bianca at Ruru Madrid.

Sa darating na Hulyo, ipagdiriwang nila ang kanilang ika-anim na taong anibersaryo bilang couple.

Bibida si Bianca sa upcoming series na "Sang'gre," habang napapanood si Ruru action-packed series na "Black Rider." —FRJ, GMA Integrated News