Inilahad ni Carla Abellana na “relieved” ang kaniyang pakiramdam sa muli niyang pagpirma ng kontrata sa GMA Network, na nagmamarka sa 15 taon na niya bilang isang Kapuso.

“Ang bilis dumadaan ng panahon and kahit ako rin, hindi ako makapaniwala na 15 years na,” saad ni Carla sa panayam sa kaniya ni Nelson Canlas sa Updated with Nelson Canlas podcast.

“Hindi naman kasi ako nagbibilang eh,” dagdag niya. “Wow ganu’n na ako katagal. As in, solid Kapuso.”

Bago nito, sinabi ni Carla na nagkaroon din siya ng pag-aalinlangan sa sarili bilang artista.

“Kahit sino namang artista, you are not assured of anything for the rest of your life. Dadating talaga sa point makukuwestiyon mo in a way. ‘Gusto pa ba nila ako? Ire-renew pa ba ako ng GMA?’ Lalo na kapag naghihintay ka,” pagpapatuloy niya.

“Hangga’t walang signing, walang kontrata, may times natatanong mo ‘yun, naku-kuwestiyon mo ‘yun. Kinakabahan ka rin at some point,” dagdag pa ni Carla.

Ngunit nawala ito sa muli niyang pagpirma ng kontrata sa Kapuso Network.

“Relieved siyempre. Given na ‘yung grateful, given na ‘yung happy and excited. Pero more of talagang relieved,” anang Sparkle actress.

“That’s why relieved ‘yung aking pinakanararamdaman. Kasi nabigyan ng assurance na they still trust me, they still believe in me and puwede pa akong magpatuloy.”

Pumirma ang 37-anyos na aktres sa Kapuso Network noong Enero.

Napapanood si Carla sa GMA Afternoon Prime series na "Stolen Life."

Bukod sa Stolen Life, bibida rin si Carla kasama si Bea Alonzo sa upcoming Kapuso series na "Widow's War,” na spinoff ng GMA murder mystery series na "Royal Blood" at "Widow's Web." -- FRJ, GMA Integrated News