Pinagkakaguluhan at nagkaroon pa ng instant fans ang isang babae mula sa Boston, Massachusetts, dahil sa kaniyang pagiging ka-look-alike sa American music icon na si Taylor Swift.

Sa GMA Integrated Newsfeed, ipinakilala si June Baker, na kuha rin ang tangkad, signature na blonde na buhok at pulang pula na mga labi ni Taylor.

Isa ring certified Swiftie si Baer.

“"I've actually only been to two shows, but I've collected bits of merch throughout the years - CDs, t-shirts, clothing items and collectibles like jewelry,” sabi ni Baker.

Tinawag din si Baker na Taylor Swift’s Medieval Twin ng isang community matapos siyang magpunta sa Medieval Fair.

Dahil sa pagkakahawig niya sa American singer, nakapag-umpisa siya ng bagong career bilang impersonator ni Taylor Swift.

Madalas ngayong naiimbitahan si Baker sa mga birthday party, kasal at photoshoots.

Mas lalo pang lumakas ang kaniyang demand dahil sa tagumpay ng The Eras Tour.

"It's an honor to be compared to her - who wouldn't want to look like Taylor. She's beautiful, it's such a compliment,” saad ni Baker.

Sinusubukan pa rin ni Baker na samahan ng sarili niyang creativity ang kaniyang impersonation para maipakita pa rin niya ang tunay na siya.

"No one's ever trying to replace the artists that they're emulating. I'm very much trying to emulate Taylor as a pop icon and not her personally," sabi ni Baker. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News