May plano na gawan ng librong pambata ang upcoming primetime series na pagbibidahan ni Marian Rivera at Gabby Concepcion na “My Guardian Alien.” Samantala, inihayag din ng aktres na plano nila ng kaniyang mister na si Dingdong Dantes na bumawi sa kanilang mga anak ngayong bakasyon.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras, sinabing proud si Marian sa kaniyang pagbabalik-primetime sa "My Guardian Alien," na puwedeng-puwedeng panoorin ng mga bata.

Pero posibleng hindi lang mapapanood ang naturang series dahil pinaplano rin na gawin itong libro.
Ayon kay Marian na nanguna sa book reading sa dalawang elementary school sa Quezon City kamakailan, kapupulutan ng aral ng mga bata ang "My Guardian Alien."

“Doon sa libro na ‘yon, parang kapupulutan talaga ng aral na hindi dapat tayo humusga ng kapwa natin kung meron kakaibang kaanyuan tayo nakikita sa kanila," anang aktres.

"Instead, bakit hindi natin hintayin na ipakilala nila ‘yung sarili nila. Malay mo, kala mo, kaka-judge mo, ‘yun pala ‘yung mas magiging best friend mo,” sabi pa ni Marian.

Inilahad rin ni Kapuso Primetime Queen ang mga certified makulit sa set ng My Guardian Alien na sina Raphael Landicho, Kiray Celis at si Christian Antolin.
"Actually kaming apat ‘yung mas madalas magkakasama. Even (si) Max Collins nagiging makulit na rin dahil sa amin. Nahawa na siya," masayang sabi ni Marian.

"Ang kukulit nu’n, mahilig kami kumain at magsayaw,” sabi ni Marian tungkol sa favorite pastime ng cast at production.

Kung makikipagpalit ng buhay si Marian sa kahit isang araw, sa kaniyang co-stars, tinukoy niya ang kaniyang leading man na si Gabby Concepcion.

“Si Kuya Gabby siguro. Kasi kapag nagkukwentuhan kami is nakikita ko kung gano'n din siya kalalim na tao, kung gano'n din pagmamahal din niya sa pamilya niya,” ani Marian.

Bago mapanood ang series sa Abril, may nakaplano nang vacation plans ang DongYan para sa kanilang mga tsikiting.

“Noong December, hindi kami nakapasyal ng mga bata dahil sa movie namin at naging busy kami sa pagpo-promote at pag-iikot sa sinehan. So sabi namin, bawi kami sa mga kids this time,” sabi ni Marian.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News