Ibinahagi ng American actress na si Olivia Munn ang kaniyang naging pakikipaglaban sa breast cancer upang makapagbigay ng inspirasyon sa ibang dumadaan din sa katulad na pagsubok sa buhay.

Sa Instragram, inilahad ni Olivia, isa sa mga cast ng "X-Men: Apocalypse," na sumailalim siya sa double mastectomy.

"I was diagnosed with breast cancer. I hope by sharing this it will help others find comfort, inspiration and support on their own journey," pahayag ng aktres.

Ayon kay Olivia, nalaman niya na may breast cancer siya halos isang taon na ang nakalilipas.

Makaraang sumailalim sa biopsy, doon na natuklasan ang uri ng cancer na taglay niya.

"The biopsy showed I had Luminal B cancer in both breasts. Luminal B is an aggressive, fast moving cancer," sabi niya sa post, at isinagawa na ang double mastectomy pagkaraan ng isang buwan.

"I'm lucky. We caught it with enough time that I had options. I want the same for any woman who might have to face this one day," sabi pa ng aktres.

 

 

Ibinahagi ni Olivia ang kaniyang karanasan sa paglaban sa breast cancer ilang araw makaraang dumalo siya sa Oscars ceremony kasama ang partner na si John Mulaney.-- FRJ, GMA Integrated News