Dahil extended pang muli ang afternoon hit series na “Abot-Kamay Na Pangarap,” may mga bagong karakter na magpapatindi pa sa istorya ng teleserye.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing makakasama na rin sa programa ang bagong kontrabida na gagampanan ni Pilar Pilapil.

Gagampanan ni Pilar ang role bilang si Madam Chantal Dubois, na ina Moira, na ginampanan ni Pinky Amador.

“She's so lovable, sobrang loving din niya, sobrang nakakatuwa siya. I love her, we love her,” ani Ken Chan tungkol sa veteran actress.

Ipinakilala ang karakter ni Pilar makaraang magpaalam na ang karakter ni Pinky, dahil may stage play ang aktres sa Singapore na, “Who’s Afraid of Virgina Woolf?”

“Nami-miss namin si Tita Pinky and we're very happy for her kasi talagang nagagawa niya ‘yung isa sa mga love niyang gawin,” ani Ken.

“Hindi kami makapaghintay na makabalik siya ulit. There's magic with her na kakainisan mo siya pero mamahalin mo siya,” patuloy niya.

Ayon kay Ken, may mga bagong mabubunyag at plot twists sa serye, at may mga bago pa silang makakasama.

Sa teaser ng programa, isang babae pa ang madadagdag na karakter sa serye.

“Marami pang aabangan sa ‘Abot-Kamay na Pangarap’ at kahit kami sabi nga namin na we're very thankful na na-extend ulit kami and sabi nga namin sana kung papagpalain pa, sana ma-extend pa and hanggang sa napapasaya natin ‘yung mga Kapuso natin,” sabi ng aktor.

Halos dalawang taon nang napapanood sa telebisyon ang "Abot-Kamay Na Pangarap," na pinagbibidahan nina Jillian Ward, Carmina Villarroel, Richard Yap, at marami pang iba.

Napapanood ang "Abot-Kamay Na Pangarap" mula Lunes hanggang Sabado pagkatapos ng "It's Showtime." -- FRJ, GMA Integrated News