Labis ang saya ng actress-chef na si Judy Ann Santos nang makaharap niya ang sikat na celebrity chef na si Gordon Ramsay.
Sa Instagram, nag-post si Judy Ann ng ilang larawan mula sa special event ni Gordon na mini "Masterchef" cooking challenge na ginanap sa Newport Performing Arts Theater.
"Wow… sa paanong paraan ko ba pwedeng maikwento ang araw ko today? Nakakaloka? Nakakabaliw? Napaka surreal!," saad ni Judy Ann sa post.
Ayon kay Judy Ann na nagtapos kamakailan mula sa isang culinary school, hindi niya inakala na mangyayari ito sa kaniyang buhay.
"Ilang beses kong kinukurot 'yung sarili ko. Totoo ba 'to? Pinaprank ba ko? Pero totoo eh! Gusto kong tumambling sabay split!" patuloy niya.
Sa naturang cooking challenge, naging hamon sa mga Filipino chefs at cooks na maghanda ng kakaibang Pinoy iconic dessert na Halo-Halo sa loob ng 10 minuto
Ayon kay Judy Ann, iyon ang "fastest and nerve-wracking 10 minutes" sa kaniyang buhay.
"But, it was the best! Hindi ko alam what I did to deserve this. But I am so grateful for the experience," patuloy niya.
Nagpasalamat si Judy Ann sa mga sangkot sa kakaiba niyang karanasan, kasama na ang kaniyang asawa na si Ryan Agoncillo at anak nila na si Luna na nagbigay daw sa kaniya ng pep talk.
"Mabuhay at ilalaban ko ang pagkaing Pilipino," sabi pa ng aktres.
Bukod kay Judy Ann, kasama rin sa challenge ang influencer na si Ninong Ry, culinary student na si Danica Lucero, at Gordon Ramsay Bar & Grill PH Head Chef Bea Therese Qua.
Binuksan ni Gordon ang kaniyang kauna-unahang restaurant na Gordon Ramsay Bar & Grill sa Pilipinas sa Newport World Resorts.—FRJ, GMA Integrated News