Labis ang pasasalamat ni Jennylyn Mercado makaraang pumirma muli ng kontrata sa GMA Network nitong Martes.
"I am here, I am back, I am home. Kapuso pa rin tayo at taos-puso po akong nagpapasalamat sa lahat ng tumulong sa akin, at of course, sa GMA, sa patuloy na pagmamahal at sa patuloy na pag-support at pagtanggap pa rin po sa akin," saad ni Jennylyn na 21 taon na bilang Kapuso.
"To be here means so much. At wala po akong ibang nararamdaman kundi gratitude. Salamat po sa inyo," dagdag niya.
Dumalo sa naturang contract signing sina GMA Network President and Chief Executive Officer Gilberto R. Duavit, Jr., Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, at Aguila Entertainment Chief Executive Officer Katrina Aguila.
"I'm very grateful and very happy that we're having this signing this morning, not because there was this thought na baka hindi na magpatuloy as Kapuso si Jennylyn, kundi dahil nagdesisyon na siyang bumalik," ayon kay Duavit.
Unang nasilayan sa GMA si Jennylyn nang makasama siya sa first season ng reality competition na “StarStruck” noong 2003, at itinanghal siyang Ultimate Survivor.
Mula noon, iba't ibang programa na sa GMA ang kaniyang ginawa, kabilang ang “Super Twins,” “Rhodora X,” “Encantadia,” at marami pang iba. Ilang pelikula na rin ang kaniyang pinagbidahan, kabila ang MMFF films na “Walang Forever,” at “English Only Please,” na itinanghal siyang Best Actress.
Nakatakdang mapanood muli si Jennylyn sa pelikulang “Everything About My Wife,” kasama ang kaniyang mister na si Dennis Trillo, at si Sam Milby.
Bukod sa mga nakalinyang proyekto sa GMA, gagawa muli ng album si Jennylyn. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News