Para kay Rachelle Ann Go, isang panalanging ibinigay sa kaniya ang asawang si Martin Spies, na buo ang suporta sa kaniyang singing career.

"Talagang mabait si Lord. Pinagdasal ko 'yan Tito Boy," sabi ni Rachelle sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

"Before I met him in New York, hindi ako ready nu'n sa any relationship. Pero sabi ko lang 'Lord, ipagdadasal ko po 'yung future husband ko. Not now, pero very specific 'yung aking prayer requests," paglalahad ni Rachelle.

Unang ipinagdasal ni Rachelle na sana matangkad ang kaniyang mapapangasawa, at pangalawa ay isang asawang susuportahan siya.

"And then ang sabi ko 'yung susuportahan ako sa career kung saan ako mapupunta. Na nangyari naman," anang Filipina singer.

Sa Fast Talk segment naman, inilarawan ni Rachelle si Martin bilang "nice, kind, and he is Godly."

Natanong din si Rachelle kung gaano siya kaselosa.

"Dati selosa, ngayon hindi na. Secured, kasal na kami," saad niya.

Nauna nang sinabi ni Rachelle na noong una pa lang niyang makita si Martin sa isang simbahan sa New York, alam niyang ito na ang "The One" para sa kaniya.

Enero 2017 nang una niyang makita si Martin sa isang simbahan sa New York, nang ipakilala sila ng mga kaibigan sa isa't isa. --FRJ, GMA Integrated News