Aminado si Tony Labrusca na may negatibo rin epekto sa kaniya ang pagkakaroon ng "sexy" image matapos na malinya siya sa mga proyektong kailangan niyang magpakita ng katawan. Alamin kung bakit.

"Alam ko naman Tito Boy na kapag sinasabing Tony, sexy agad ang lumalabas," saad ni Tony sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes.

Gayunman, hati ang pananaw ni Tony pagdating sa kaniyang sexy image.

"Yes and no. Kasi parang lagi nilang ine-expect na maghuhubad ako or my sexy angle, which can be good, masaya din naman minsan. Nothing wrong with people thinking you're sexy," saad niya.

"Pero minsan ang hirap kasi gusto ko rin ng ibang image, so ang hirap kumalas," pagpapatuloy niya.
Kaya naman masaya si Tony na nakasama sa Kapuso series na "Binibining Marikit" na may halos comedy, at leading lady niya rito si Herlene Budol.

Para kay Tony, kabilang sa mga personalidad na "sexy" para sa kaniya si Herlene, na matagal niya na ring gustong makatrabaho.

"Gusto ko talagang makatrabaho si Herlene actually. And 'yung ganitong show, matagal nang alam ni Lord na gusto ko... I prayed for this," sabi niya.

"Ito 'yung first time ko siyang makatrabaho at makilala pero may something sa energy niya na feeling ko masaya siyang kasama, totoo siyang tao. And ngayon masasabi ko na she's exactly the way that I expected," ayon kay Tony.

"Herlene is lovely, inside and out," dagdag pa niya.

Bukod dito, isa pang aktres na sexy para sa kaniya si Pokwang.

"Pokwang is very sexy, and I mean this, from my heart, I truly do," ani Tony.

Mapanonood na ang Binibining Marikit sa Pebrero 10 sa GMA Afternoon Prime.-- FRJ, GMA Integrated News