Pumanaw na sa edad na 91 ang tinaguriang “Queen of Philippine Cinema” na si Gloria Romero. Sa isang panayam noon sa programang "Tunay na Buhay," ikinuwento ng veteran actress na isinilang sa Amerika, na magbabakasyon lang sila noon ng kaniyang mga magulang sa Pilipinas nang inabutan sila ng digmaan.
Sa naturang episode ng "Tunay na Bahay" na ipinalabas noong 2017, sinabing isinilang si Gloria sa Colorado, USA, at Pinoy ang kaniyang ama, habang Amerikana ang kaniyang ina.
Kuwento ni Gloria, dinala sila ng kaniyang ama sa Pilipinas para lang magbakasyon ng isang taon sa lalawigan ng Pangasinan. Pero nang pabalik na sana sila sa Amerika, nangyari na ang World War II, at hindi na sila nakaalis ng Pilipinas.
Kinuha rin umano ng mga sundalong Hapon ang kanilang bahay, at sinunog at ibinaon ang kanilang mga larawan at magagadandang frames.
Sa takot na mahuli sila ng mga Hapon, sinabi ni Gloria na bawal silang magbukas ng ilaw sa bahay kapag may timbre na may paparating na mga Hapon. Ngunit ang kawalan ng ilaw ang naging dahilan kaya naaksidente ang kaniyang ina na nahulog sa hagdan.
Pumanaw ang kaniyang ina sa edad na 28 lamang.
Kahit natapos na ang digmaan, hindi na bumalik sa Amerika sina Gloria. Nang maging high school, doon na niya pinangarap na maging artista.
Taong 1952 nang unang lumabas sa pelikula si Gloria bilang "extra" sa pelikulang "Bernardo Carpio" na bida sina Cesar Ramirez at Alicia Vergel.
Sa kaparehong taon, nabigyan kaagad siya ng big break nang gawin siya na isa sa mga bida sa pelikulang "Madam X" kasama din sina Cesar at Alicia.
Mula noon, sunod-sunod na ang mga pelikula na kaniyang ginawa.
Ayon kay Marichu Vera Perez, dating producer ni Gloria, isa sa pinakamabait na artista sa Sampaguita Pictures ang aktres.
Hindi lang umano sa mga kapuwa artista magalang si Gloria kung hindi maging sa mga crew o trabahador sa likod ng camera.
Ang aktres din na si Luz Valdez, ikinuwento na una siyang naging tagahanga ni Gloria, na wala umanong tinatanggihan na fans.
"Walang iniisnab. Sabi ko, 'Miss Glo, puwede po akong makahingi ng picture niyo?' Pinirmahan niya tapos nilagyan niya ng love Gloria Romero. Diyos ko para na kong nasa langit. Sabi ko ang bait nito," saad niya.
Sa pagpanaw ni Tita Gloria, patuloy ang post ng ilang celebrity na nakatrabaho niya upang magbigay ng pagpupugay sa kaniya kasabay ng pagdadalamhati.
"This is so heartbreaking," she said. "Buong buhay ko pong ipagmamalaki na nakatrabaho ko po kayo. Rest in paradise, Ms. Gloria Romero," ani Barbie Forteza, na nakatrabaho ni Gloria sa "Daig Kayo ng Lola Ko" at "The Half Sisters."
Nag-post din si Vilma Santos sa Instagram stories upang makiramay sa pagpanaw ng aktres, "Our condolences and prayers. Rest in Peace, Tita Glo! I love you."
Ang celebrity photographer na si Mark Nicdao, nag-post ng ilang larawan ni Gloria, "Paying full respects to The First Lady of Philippine Cinema.. Gloria Romero..1933-2025.. Rest In Peace Mam. Thank you for these photographs and the unforgettable times with you in front of my camera."
Ibinahagi naman ni Charo Santos ang labis na paghanga niya kay Gloria mula noong kaniyang pagkabata.
"As a young girl, I was mesmerized by her beauty and brilliance on the silver screen. Watching her movies felt like entering a world of magic, where she brought every character to life with such authenticity, elegance and grace," sambit ni Charo sa post.
"Tita Glo wasn't just an icon; she was a guiding light for so many of us. She showed us how to carry success with humility, how to navigate challenges with grace, and how to leave a legacy that transcends time," sabi pa niya.
Ibinahagi naman ni Shaina Magdayao ang eksena nila ni Gloria sa pelikulang "Tanging Yaman" habang nagdarasal, at nagturo sa kaniya na magdasal ng rosaryo.
"So blessed to have shared the screen with you po. But most importantly, to have learned from such a gracious soul. Salamat po for touching our lives with your beautiful presence," ani Shaina. -- FRJ, GMA Integrated News
