Engaged na ang Kapuso actor na si Mikoy Morales sa kaniyang non-showbiz girlfriend na si Isa Garcia.
Sa Instagram, ibinahagi ng aktor ang video habang nasa loob sila ng sinehan ni Isa. Makikita rin sa video ang engagement ring ni Isa habang kumukuha ng popcorn.
"And so it begins," saad ni Mikoy sa caption na may kasamang ring emoji.
Umani ng mga pagbati mula sa fans at kapuwa celebrities ang naturang post ni Mikoy para sa kanila ni Isa.
"Entering the best chapter of your lives. Congratulations!" saad ni Benjamin Alves sa comment section.
"Waaww! Congrats Koymiks and Isa!" ayon naman kay Arra San Agustin.
Kasalukuyang bahagi si Mikoy sa GMA series na "Lolong: Bayani ng Mga Bayan," na pinagbibidahan ni Ruru Madrid, at napapanood sa GMA Prime pagkatapos ng GMA News "24 Oras."
Naging bahagi rin si Mikoy ng Metro Manila Film Festival Best Picture na "Green Bones," at ang katatapos lang na Kapuso historical series na "Pulang Araw." —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News

