Sinagot ni Mark Herras ang mga puna at nagsasabing laos at desperado na siya matapos na magtanghal sa isang gay bar kamakailan.

"Actually, sa nangyari, it's part of my career, parte 'yan ng showbiz na hindi ka naman talagang habambuhay nasa limelight, Tito Boy. Ako honestly, hindi ko nilalagay sa utak ko na laos na ako. Nagpasalamat na ako sa narating ko," sabi ni Mark sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes.

Dahil ipinagtataka ni Mark kung bakit naging malaking paksa ang pagtatanghal niya sa gay bar, sinabi ng King of Talk sa aktor na pinag-usapan siya dahil sikat siya.

Inilahad din ni Mark na wala siyang sama ng loob sa GMA Network. Sa halip, nagpapasalamat siya sa TV network, lalo noong sumikat ang loveteam nila ni Jennylyn Mercado matapos tanghaling Ultimate Male and Female Survivor sa season 1 ng StarStruck noong 2003.

Idinagdag pa ng aktor na ang kaniyang pamilya ang mas iisipin niya kaysa sa sasabihin ng iba.

"Kaysa isipin ko 'yung mga problema or stress sa buhay ko, kailangan ko mag-provide eh. Ang nasa mindset ko, trabaho, trabaho, kailangan kong magtrabaho. Ba't ko pa iisipin 'yung iniisip sa akin ng mga tao na, 'Baka wala nang career, desperado na 'yan si Mark.' Eh, 'pag inisip ko 'yun, paano na 'yung pamilya ko?" paliwang ni Mark.

Natanong si Mark kung ano ang posible niyang sabihin sa kaniyang mga anak kung sakaling matuklasan nila ang tungkol sa kontrobersiyang kaniyang kinasangkutan.

"It's about me providing for you guys. It's about me doing work or doing my job, doing my job being a father, being a husband," sagot ni Mark. "Everything that I do is for you guys."

Matatandaang naging usap-usapan si Mark kamakailan matapos makunan ang kaniyang pagtatanghal sa Apollo Male Entertainment Bar sa Parañaque.

Nauna nang sinabi ni Mark na walang masama sa ginawa niyang pagsasayaw sa isang gay bar dahil bahagi lang ito ng kaniyang trabaho.

Sa naturang panayam ni Tito Boy, sinabi ni Mark na nagsayaw lang siya sa naturang gay bar at hindi siya "nagpa-table" kahit pa makakadagdag ito sa kaniyang kikitain. --FRJ, GMA Integrated News