Tuloy ang pagdinig sa kasong rape through sexual assault na isinampa ni Sandro Muhlach laban kina Jojo Nones at Richard Cruz matapos ibasura ng Pasay Regional Trial Court Branch 114 ang inihaing motion to quash ng dalawang akusado.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagresulta ito sa pagtuloy ng arraignment o pagbasa ng sakdal sa dalawa at nahain sila ng not guilty plea, o pagtanggi sa alegasyon.

Isinagawa rin ang pre-trial kung saan inilista ang mga dokumento at mga witness na ipipresenta sa mismong paglilitis.

Inihayag ni Sandro ang kaniyang galak sa pag-usad ng kaso at umaasa siyang makakamit niya ang hustisya.

“Kahit anong paninira, pambabaliktad 'yung ginagawa nila sa akin, ipaglalaban ko ito hanggang huli kahit nag-plead sila ng not guilty. Sino ba naman kasing criminal ang aamin pagdating sa ganitong cases,” ayon sa aktor.

Sinabi naman ng abogado nina Nones at Cruz na patuloy nilang lalabanan ang kaso upang mapatunayan ang  pagiging inosente ng kaniyang mga kliyente. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News