Natagpuang patay ang two-time Oscar winner na si Gene Hackman, 95-anyos, at ang kaniyang asawa na si Betsy Arakawa sa kanilang bahay sa New Mexico, USA, ayon sa Santa Fe New Mexican website nitong Huwebes.
Nakasaad sa website na batay sa pahayag umano ni Santa Fe County Sheriff Adan Mendoza, kasama rin ng mag-asawa na nasawi ang kanilang aso, at wala pang indikasyon na nakikitang may foul play sa insidente.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang local police.
Kilala si Hackman sa kaniyang mga matitinding karakter na nagpanalo sa kaniya ng Academy Awards para sa 1971 drug saga movie na "The French Connection" at 1992 western film na "Unforgiven".
Napanood si Hackman, dating Marine, mahigit 80 pelikula, maging sa telebisyon at teatro sa kaniyang acting career na nagsimula noong 1960s.
Dalawang beses nagpakasal si Hackman at may tatlong anak. Pinakasalan niya si Arakawa, isang pianist, noong 1991. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News

