Muling nagpakasal sina Chito Miranda at Neri Naig sa 10th anniversary ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.
Sa isang Instagram Reel na ipinost ng mag-asawa at ng Nice Print Photography, isang garden wedding ang set-up ng seremonya. Naging bahagi ng entourage ang kanilang mga anak na sina Pia, Miggy, at Cash.
Inihayag ni Chito sa kanilang renewal ng vow ang kaniyang labis na pagmamahal kay Neri, “Baby, mahal na mahal kita. I’ve never loved anyone as much as I love you.”
Dagdag pa ng Parokya ni Edgar vocalist, “Dahil sa ‘yo at sa mga anak natin, naunawaan ko ang tunay na ibig sabihin ng pagmamahal.”
Umiiyak namang sinabi ni Neri kay Chito na mapalad siya na minahal ng kaniyang mister.
“And even in my moments of doubt, you love me harder,” ani Neri.
December 2024 ang talagang 10th anniversary ng kanilang kasal pero naantala ang plano nilang renewal ng vow dahil sa pagsubok sa buhay na kanilang kinaharap nang arestuhin si Neri sa kasong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code.
Pero kamakailan lang, ibinasura na ng korte ang mga kaso laban kay Neri.
Ayon kay Chito, OK lang na naantala ang muli nilang pagpapakasal, "ang importante, natuloy. Hindi naman tayo nagmamadali."
“I'm not going anywhere, at habambuhay naman tayo magsasama. Hinding-hindi kita papabayaan,” sabi pa ni Chito sa post. “Happy 10th anniversary, asawa ko. Tag team partners for life.”—FRJ, GMA Integrated News

_2025_03_07_09_44_10.jpg)