Inihayag ni Sanya Lopez na ikinagulat niya at hindi niya inasahan ang hiwalayan ng kaniyang kapatid na si Jak Roberto at dating nobya nitong si Barbie Forteza, dahil hindi biro ang pitong taon nilang pinagsamahan.

"Totoo lang Tito Boy, nagulat din ako. Hindi ko na ine-expect na mangyayari pa 'yun, kasi ang tagal na nila, seven years. Hindi rin po biro 'yung seven years para... hindi ko na ine-expect 'yun," sabi ni Sanya, na panauhin sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.

Pagpapatuloy ni Sanya, wala pa siyang ideya kung ano ang pinag-ugatan ng hiwalayan ng kaniyang kuya at ni Barbie.

"Pero sabi ko nga po, desisyon nila 'yun eh, sila ang nakaaalam sa isa't isa. Hindi ko alam kung bakit, kung paano," saad ni Sanya.

Sa kabila nito, patuloy daw siyang makikinig sa magkabilang panig, bilang isang kapatid at isang kaibigan.

"Yes po nandito pa rin ako. Ang hirap kasi kaibigan ko si Barbie, kapatid ko si Jak. Hindi ko rin alam 'yung kuwento nila pareho, pero nandito ako as kaibigan at as kapatid," ani Sanya.

Hindi rin aniya manghihimasok si Sanya sa ugnayan ng dalawa, at hihintayin na lang niya na magkuwento ang mga ito sa kaniya.

"Bilang kapatid Tito Boy nandito ako to support him and to listen. Pero hindi ako nandito para manghimasok. Kung mag-o-open ka sa akin, ready po ako para makinig sa 'yo. Hanggang ganu'n lang po,"  sabi ng aktres.

"Right now hinahayaan ko siya kung kailan siya ready. Same with Barbie, kung kailan lang din siya ready. Kasi kaibigan ko pa rin si Barbie, kapatid ko pa rin si kuya. Naging iba na rin 'yung closeness namin kasi seven years din po sila," pagpapatuloy ni Sanya.

Nauna nang sinabi ni Sanya na ikinalungkot niya ang paghihiwalay nina Jak at Barbie.

Inanunsyo ni Barbie ang breakup nila ni Jak nitong Enero. --FRJ, GMA Integrated News