Kabilang ang stand-up comedian na si Jo Koy sa 355 na pasahero ng Philippine Airlines (PAL) flight na nag-emergency landing sa Haneda Airport sa Tokyo, Japan nitong Huwebes dahil sa usok sa cabin.

Sa Instagram story, nag-post ng video ang Filipino-American comedian habang kasama ang kaniyang pamilya para ipaalam ang kanilang kalagayan.

“You guys, this is the family here. We had to do an emergency landing in Tokyo, Japan,” saad ni Jo Koy, habang nasa isang restaurant.

Pinuri niya ang cabin crew dahil sa maayos na pagtugon sa sitwasyon.

“I’m gonna say this, the flight attendants on Philippine Airlines were amazing. You were amazing above and beyond. You guys were pros,” ani Jo Koy.

"We are safe and we are in Tokyo and our next flight out is at nine hours so we're gonna have some sake. All right, I love you guys,” sabi pa niya.

 

 

Batay sa naunang mga ulat, papunta ang Philippine Airlines PR102 flight sa Los Angeles, na galing sa Maynila nitong Miyerkules. Pero na-divert ito sa Haneda Airport dahil sa usok sa loob ng cabin.

Sa isang pahayag, sinabi ng PAL na lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nanggaling ang usok sa isa sa dalawang air conditioning units ng eroplano.

Inihayag naman ni Transportation Secretary Vince Dizon na ligtas ang lahat ng crew at pasahero ng eroplano. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News