Isang animated movie na tungkol sa mitolohiyang Pilipino ang ginagawa ng American film company na DreamWorks, na nasa likod ng mga sikat na animated film franchise gaya ng "How to Train Your Dragon."

Ayon sa isang ulat ng Variety, inihayag na ipalalabas ng DreamWorks Animation ang animated feature na “Forgotten Island” sa September 25, 2026.

Sa direksyon ni Januel Mercado, ang “Forgotten Island” ay isa umanong “comedy adventure that will transport the film’s protagonist to a long forgotten, magical island rooted in Philippine mythology.”

Hindi pa binanggit ang istorya at mga karakter sa naturang proyekto, at kung mga Hollywood celebs ang gagamiting boses.

Ang DreamWorks ay isang American film studio na may likha ng sikat na animated movie franchises gaya ng “How to Train Your Dragon,” “Shrek,” “Kung Fu Panda,” at marami pang iba. —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News