Ibinahagi nina Ian at Lotlot de Leon ang huling mga mensahe o pakikipag-usap nila bago pumanaw ang kanilang ina na si Nora Aunor.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes na ginawa sa Heritage Park sa Taguig kung saan nakaburol ang Superstar, ibinabahagi ni Ian ang mensahe ng kanilang ina patungkol pa rin sa pagmamahal ng batikang aktres sa kanilang mga anak at sa mga apo.
“Panginoon, kahit saan man mapunta ang aking mga anak, pakiusap, hawakan mo sila, protektahan mo sila sa lahat ng panganib at palaging ihatid silang ligtas pauwi,” mensahe ni Nora na binasa ni Ian mula sa kaniyang cellphone.
Tumugon naman dito si Ian ng, “I love you ma.”
Ipinabot din ni Nora sa mensahe na mag-ingat silang mga anak at mga apo.
“'Mag-iingat kayo lagi ha, lalo na ang mga bata. Pasensya na at wala si mommy diyan 'pag kailangan niyo ako. Gabayan nawa kayo lagi. Kamusta na ang mga bata [grandchildren]? Kiss at hug mo na lang ako sa kanila. Please. Salamat, ingatan nawa lagi. God bless,'” patuloy na pagbasa ni Ian.
Sinabi naman ni Lotlot na pinakalma siya ng kaniyang ina dahil sa pangungulit niya sa mga doktor na malaman ang kalagayan ni Nora.
“Ang huli naming pag-uusap, Tito Boy, ay mayroon akong doktor na tinatawagan, na kinukulit, na nagagalit ako na, 'Include us. Kasi kami ‘yung mga anak. Isama niyo kami sa anong nangyayari para kung mayroon kaming maitulong, magawan din namin ng paraan,’” kuwento ni Lotlot.
Tiniyak naman ng kaniyang ina na maayos ang kalagayan niya.
“Sabi niya, 'Anak, OK ako. Sinabi sa akin ni doktora gusto mo siyang makausap. ‘Wag ka nang mag-alala sa akin anak, kaya ko.’ And then sabi niya, 'Basta ‘yung mga apo ko, proud na proud ako sa kanila. Mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal ko kayo ng mga kapatid mo,’” pagbahagi ni Lotlot.
Bilang masunuring anak, sinabi ni Lotlot na sinunod niya ang bilin ng kaniyang ina.
“So nung nag-usap kami nung huli, sabi ko, ‘Okay Ma, I respect your wishes.’ Kasi ayoko din siyang magalit sa amin. Dahil alam niya na makulit ako eh. Kinukulit ko 'yung mga doktor niya. Kinukulit ko kung sino ang kailangan kulitin para malaman kung anong nangyayari sa kanya,” patuloy ng aktres.
Pumanaw batikang aktres at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora noong April 16 sa edad na 71, dahil sa acute respiratory failure, ayon kay Ian.
Magdaraos ng state necrological service sa Metropolitan Theater sa Manila sa Martes, April 22, bilang pagpupugay sa kaniyang pagiging National Artist.
Kasunod nito ang paghatid sa kaniya sa huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.—mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News