Kabilang sina Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. at First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos, sa mga dumalaw sa huling lamay ng batikang aktres at National Artist for Film and Broadcast na si Nora Aunor nitong Lunes ng gabi.Pumanaw si Nora, na kilala rin bilang Superstar, dahil sa acute respiratory failure noong April 16, sa edad na 71.Nakabarol ang mga labi ni Nora sa Heritage Park sa Taguig, at ihahatid sa huling hantungan sa Martes sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, pagkatapos ng state necrological service sa Metropolitan Theater sa Manila bilang pagpupugay sa kaniyang pagiging National Artist.Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras," sinabing bukod sa First Couple, nagpunta rin sa lamay si Senador Imee Marcos, na siyang nag-produce ng 1982 classic film na “Himala," na pinagbidahan ni Nora.Nagpunta rin sina dating pangulong Joseph "Erap" Estrada, GMA Network Officer in Charge for Entertainment Group Cheryl Ching-Sy, dating ka-love team ni Nora na si Tirso Cruz III, Rochelle Pangilinan, Judy Ann Santos, at asawa nitong si Ryan Agoncillo, at ang National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.Hindi naman napigilan ni TV host na si Boy Abunda, na isang certified Noranian, na maging emosyonal nang sariwain ang mga alaala ng kaniyang idolo at kaibigan.“Para sa isang tagahanga, she will be the greatest actor Philippine cinema has produced. She was big. She was huge in everything and the only way para sa akin to understand the phenomenon that was Nora Aunor was to love her,” ani Tito Boy.Nakausap raw niya ang aktres isang linggo bago ito pumanaw.“May pag-uusap na wala kaming ginawa kundi tawa lang kami nang tawa. May mga pag-uusap na mahirap. May mga pag-uusap na dasal. Iba’t-ibang pag-uusap ang pinagdaanan namin ni Ate Guy," sabi ng King of Talk.Inilarawan naman ni Sheryl Cruz na masayahing tao at malapit sa fans si Nora na nakatrabaho niya sa dating Kapuso afternoon prime series na “Lilet Matias: Attorney at Law.”“She’s a very warm and funny person kasi kapag pumupunta sa shooting sa set 'yung mga fans niya na mga yaya namin sa bahay namin nakikipagkuha talaga siya ng mga picture. She’s very down-to-earth, ganon din siya sa minamahal niyang mga fans tapos no'n she has a very beautiful voice na magandang pakinggan. Hindi nakakasawa,” sabi ni Sheryl.—FRJ, GMA Integrated News