Inihayag ni Alynna Velasquez na hindi siya makapunta sa burol ng kaniyang namayapang nobyo na si Hajji Alejandro sa kadahilanang "I don’t have control of." Kaya naman sa Eastwood City Walk of Fame na lang siya bumisita kung nasaan ang "star" ng OPM singer.

Nakasuot ng itim na damit nang magpunta si Alyna sa Eastwood City, at nag-alay ng bulaklak at mensahe sa star ni Hajji. May mga kandila rin at larawan ng mang-aawit sa lugar.

“I was unable to go to your wake for reasons I don’t have control of. But I am glad I am here to pray for you and watch your star shine!” saad ni Alynna sa caption nang mag-post siya ng larawan sa ginawa niyang pagbisita sa Eastwood City.

“You truly are a legend and your wonderful music will live on forever. We love you so much!,” dagdag pa niya sa caption na may hashtags na #IMissYouLove at #HappyAnniversary.

Pumanaw si Hajji nitong Martes sa edad na 70 matapos ang pakikipaglaban sa sakit na colon cancer.

Una nang nag-alay ng pagpupugay si Alynna para sa namayapa niyang nobyo kung saan ibinahagi niya na ipagdiriwang sana nila ang kanilang ika-27 taong anibersaryo sa Abril 22.

Ayon kay Alynna, nakipaglaban si Hajji sa stage 4 colon cancer nitong unang bahagi ng 2025. Sumailalim umano sa operasyon ang mang-aawit nitong nakaraang Pebrero.

Binansagan noon si Hajji na "original" na "kilabot ng mga kolehiyana." Dati siyang miyembro ng Circus Band, at nanalo sa Metro Manila Popular Music Festival sa kaniyang awitin na "Kay Ganda ng Ating Musika."

Kabilang sa kaniyang mga hit song ang "Panakip-butas," "Tag-Araw, Tag-Ulan," at marami pang iba. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News