Sinagot ni Iñigo Pascual ang tanong ng King of Talk na si Boy Abunda kung naging kasintahan ba niya noon ang aktres na si Maris Racal.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, naalala ni Tito Boy ang dating panayam niya kina Iñigo at Maris na mas bata pa noon.
Ayon kay Tito Boy, hanggang ngayon ay palaisipan pa sa kaniya kung may namamagitan ba noon sa dalawa kaya tinanong niya si Iñigo kung naging girlfriend ba niya noon ang aktres.
Noong una, sinabi ni Iñigo na mas mabuti kung si Maris ang sasagot sa naturang tanong. Pero kinalaunan, nagpaliwanag na rin ang aktor tungkol sa "pagkakaintindihan" nila ni Maris.
"Mayroon kaming pagkakaintindihan ni Maris noon na sa amin lamang," saad niya. "Hindi man 'yon nabigyan ng label pero mayroon kaming pagkakaintindihan."
Tinanong din ni Tito Boy si Iñigo kung good friends sila ni Maris ngayon.
"Sobrang ok kami and that what matters to me," sabi ng aktor.
Ngayon, sinabi ni Iñigo na walang nagmamay-ari ng kaniyang puso maliban sa kaniyang mga maguang at lolo.
Bukod sa single, hindi rin naman daw siya naghahanap ng magiging karelasyon.
"I fell I'm going through my quarter life crisis early I guess," saad ni Iñigo.
Mapapanood si Iñigo sa pelikulang “Fatherland,” kasama sina Allen Dizon, Richard Yap, Kazel Kinouci, at marami pang iba, na idinirek ni Joel Lamangan. -- FRJ, GMA Integrated News