Pinuri ng Commission on Population and Development (CPD) ang Kapuso host na si Drew Arellano sa ginawa nitong pagpapa-vasectomy makaraang magsilang ng ika-lima nilang anak nitong Pebrero ang misis niya at Chika Minute anchor na si Iya Villania.
Sa isang pahayag, sinaluduhan ng CPD ang "Biyahe ni Drew" host dahil sa ginawa nitong pagpapa-vasectory na, "manifestation of love and appreciation for his spouse and family,” at “strongly exemplifies responsible parenthood and family planning as promoted by the CPD.”
“We need more men like Mr. Arellano to encourage men to assume greater responsibility in ensuring the well-being of their partner and their children through responsible parenthood and family planning,” sabi pa ni CPD Executive Director, Usec. Lisa Grace Bersales.
Ayon sa komisyon, isang magandang balita ang ginawa ni Drew sa harap ng mababang bilang ng mga lalaki na nakikibahagi sa family planning program.
ALAMIN: Paano ginagawa ang painless vasectomy?
BASAHIN: Mister, nagpa-vasectomy para 'di na mahirapan ang asawa: 'Ako naman ang mag-e-effort para sa family'
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority's (PSA) National Demographic and Health Survey (NDHS) noong 2022, nasa 0.1% lang ang mga lalaki na sumailalim sa non-scalpel vasectomy (NSVs) sa nakalipas na limang taon. Habang 2% lang ng mga lalaki ang gumagamit ng condom.
Idinagdag ng CPD na mga babae pa rin ang karamihan sa mga gumagawa ng paraan para sa family planning.
Nasa 8.6 milyong Pinay umano ang gumagamit ng modern methods ng family planning, na mas mataas sa 8.3 milyon na naitala noong 2022.
Nanawagan ang komisyon sa mga lalaki para sa "shared responsibility" sa pagpaplano ng pamilya.
Ibinahagi ni Drew nitong Lunes ang ginawa niyang pagpapa-vasectomy, na ayon sa kaniyang misis na si Iya ay dapat isinagawa ng kaniyang mister noong pang isang taon.
"And then Anya happened so this time, he made sure," saad ni Iya, patungkol sa kaniyang bunso na isinilang niya nitong nakaraang Pebrero.
Bukod kay Iya, may apat pa silang anak na sina Primo, Leon, Alana, at Astro.
Sa isang episode noon ng programang "Pinoy MD," ipinaliwanag ni Dr. Mary Joyce Mondina – Yabyabin, Family Planning Head ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, na ang vasectomy ay isang uri ng birth control para sa mga lalaki na pinuputol ang daluyan ng punlay o “vas deferens” para hindi na makadaan ang sperm.
Paglilinaw ni Yabyabin, hindi totoo na nababawasan ang sex drive ng isang lalaki kapag sumailalim sa vasectomy.
Sinabi rin ng duktora na may anesthesia na ibibigay sa isang lalaking magpapa-vasectomy para wala siyang maramdaman na sakit.
Nakagagawa pa rin ng sperm cells ang mga lalaking sumailalim na sa vasectomy, ngunit hindi na ito sumasama sa semen dahil putol na ang daluyan mula sa testicles kaya na-a-absorb na lamang ito ng katawan.
Wala rin umanong katotohanan na may koneksiyon ang vasectomy sa pagkakaroon ng prostate cancer ng lalaki. —mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News