Sa edad na 72, pumanaw na ang OPM Icon na si Freddie Aguilar nitong Lunes ng gabi. Kaagad din siyang inilibing nitong Martes alinsunod sa tradisyon ng Islam na kaniyang relihiyon.
Unang kinumpirma sa GMA News Online ni Atty. George Briones, general counsel ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang pagpanaw ni Freddie, na dating nagsilbing national executive vice president ng PFP.
Nagbahagi rin ang asawa ni Freddie na si Jovie sa isang social media post tungkol sa kalagayan nila habang nasa Philippine Heart Center.
“Nakakatouch yung mga kinukumusta rin ako sa gitna ng kalagayan ni Freddie. Hindi ko kayo maisa-isa replayan pero wag kayo mag alala ok lang ako, always finding courage in the face of fear,” saad ni Jovie sa Facebook post.
"Ang priority natin ngayon ay ang kalagayan ni Freddie, pasensya na kayo na wala akong mabigay na detailed info sa inyo kasi pang-pamilya at malalapit na kaibigan lang muna ito," dagdag niya.
Nitong Martes ng hapon sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Tito Boy na batay sa impormasyon mula kay Josephine Quiepo, dating partner ng OPM singer, multiple organ failure ang ikinamatay nito.
"Pumanaw na po ang OPM icon na si Freddie Aguilar sa edad na 72. Kinumpirma po ito sa amin ng kaniyang ex-partner at ina ni Maegan Aguilar na si Josephine. Ayon kay Josie, binawian ng buhay kagabi si Ka Freddie sa Philippine Heart Center dahil sa multiple organ failure," saad ni Tito Boy.
Sa hiwalay na ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras", sinabing inilibing na si Freddie nitong Martes na kinumpirma ng Muntinlupa City Muslim Affairs Office.
Nag-covert sa Islam ang OPM singer at songwriter noong 2013. Sa Islamic faith, kailangang mailibing ang yumao sa loob ng 24 oras matapos na pumanaw.
Kabilang sa mga hindi malilimutang awitin ni Freddie ang “Anak,” “Bulag, Pipi At Bingi,” "Mindanao," "Katarungan," “Magdalena,” at marami pang iba.-- FRJ, GMA Integrated News
