Isa na yata si Ara Mina sa mga aktres sa Pilipinas na nagkaroon ng maraming screen name na umabot sa apat.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, naging bisita si Ara Mina, na Hazel Pascual Reyes ang tunay na pangalan.

Paliwanag ni Ara, hango sa mga pangalan ng dalawa niyang kapatid ang screen name niyang Ara Mina.

"Inintroduce ako sa 'That's Entertainment,' Ara Mina 'yung name ko. And 'yung Ara Mina, 'yon iyong name ni Cristine [Reyes na] Ara Cristine and Mina name ng isa kong sister Mina Princess," kuwento niya.

Ang nanay umano nila ang pumili sa naturang screen name niyang Ara Mina.

Matapos nito, nagkaroon ng apelyido ang screen name niyang Ara Mina na naging Ara Mina-Reyes na ginamit niya sa pelikulang "Si Mario at Si Goko" noong 1995.

"Nilagyan naman ng Mommy ko ng Reyes kasi parang ang dating daw kasi ng Ara Mina is parang first name lang. Parang walang apelyido, parang Ara Mina, Carmina ganoon. So nilagyan niya ng Reyes," sabi ni Ara.

Pagkaraan nito, pinalitan naman ang kaniyang screen name bilang Dara Mina, na ayon kay Ara ay dahil sa kasikatan noon ni Donna Cruz.

"Ang story po diyan ay 'Naku, sikat na sikat sila Donna Cruz, sikat na sikat sila ganyan.' 'Yung mga initials ng mga sikat, so parang lagyan natin ng ano, gawin nating ano, alisin na natin 'yung Reyes, masyado raw mahaba," pagbahagi ni Ara.

"So ginawa niya [mom] para ano, Dara Mina doon sa pelikulang 'Flor Contemplacion," dagdag niya.

Ang ika-apat na pagpapalit niya ng screen name na Danica Gomez, ay nangyari naman sa kasagsagan ng kasikatan nina Charlene Gonzales at Richard Gomez.

"Sumikat si Charlene Gonzalez, so 'yung G, may letter G si Gonzalez. Sabi ni mommy, 'Nako masyadong maikli ang Dara. Gawin nating Danica. Tapos sikat sila ano Richard Gomez, gawin nating Gomez," patuloy ni Ara.

Sa kabila ng apat na beses na pagpapalit niya ng screen names, ang una niyang ginamit na Ara Mina ang pinili niya sa huli. —mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ, GMA Integrated News