Kaugnay ng usap-usapan na hiwalay na sina Cristine Reyes at Marco Gumabao, tinanong si Ara Mina sa programang "Fast Talk with Boy Abunda" kung ano ang nalalaman niya sa lagay ng relasyon ng kaniyang kapatid at nobyo nito.
“Kung ano ang alam ko, it stays with me, and I am not the right person kung ano ang real score," paliwanag ni Ara, na iginalang naman ni Tito Boy sa episode ng programa nitong Lunes.
Ayon pa kay Ara, "mature enough" na ang kaniyang kaniyang kapatid sa kung anuman ang nangyayari sa buhay nito ngayon.
"Basta ang masasabi ko lang sa kaniya, nandito lang kami, family," patuloy niya.
Maging nitong katatapos na halalan, sinabi ni Ara na tinext siya ni Cristine para ayain siyang mag-dinner.
“So, yung mga simple things na ganoon, maybe, to comfort me," ani Ara patungkol sa pagkatalo niya sa nakaraang halalan kung saan tumakbo siyang konsehal sa Quezon City.
Gayunpaman, sinabi ni Ara na suportado niya ang kaniyang kapatid.
"She knows naman na nandito ako for her, and I think she knows what she’s doing and nagko-confide din naman siya sa akin. Sinasabi ko kung anong opinyon ko. Pero ang sinasabi ko sa kanya, 'Ikaw pa rin ang magde-decide kung ano ang nasa puso mo. Basta kung saan ka masaya, nakasuporta kami ng family,'” pahayag ni Ara.
Ayon kay Ara, may paniniwala siya tungkol sa relasyon na, "Kung kayo para sa isa't isa, kayo [pa rin]. At the end of the day magiging magkaibigan pa rin kayo kung hindi man naging kayo."
Nang tanungin ni Tito Boy kung kumusta ngayon si Cristine, sabi ni Ara, "She's ok. She's doing fine." -- FRJ, GMA Integrated News
