Kinaantigan ang pagsulat at pag-drawing ni SB19 member Ken ng kaniyang mensahe para sa isang ina na mayroong anak na may autism sa "Simula at Wakas" World Tour sa Bocaue, Bulacan.

Batay sa isang video na kuha ng YouScooper Gerald Vista, na iniulat din sa Balitanghali, makikita si Ken sa stage na binasa ang mensahe ng isang A'TIN sa Day 2 ng concert.

Dahil sa mensahe, na-touch si Ken at siya mismo ang kumuha ng papel at marker ng fan.

Matapos nito, nagsulat siya ng mensahe at nag-drawing.

Labis ang tuwa ng fan nang makuha ang mensahe ni Ken.

Ayon kay Vista, isang mommy na mayroong anak na may autism ang naturang fan ni Ken.

Mensahe ni Ken sa fan, "You are loved."

Kinaantigan din ng ibang A'TIN ang may kurot sa pusong eksena.

Dalawang araw na ginanap ang "Simula at Wakas" world tour ng SB19 sa Philippine Arena. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News